Install this theme
Granada Sa Aking Kamay

      Bago pa kayo tumawag ng SWAT at EOD, ang tinutukoy ko po ay isang cd ni Gary Granada na Saranggola sa Ulan.

     Una ko syang narinig noong eary 90’s nang isama ako ng mga kaibigan kong estudyante ng Peyups sa isang konsyerto sa Quezon Memorial Circle. ang pagkakatanda ko sa pamagat ng concert ay “Cry for Freedom, the concert”.

      Mula noon ay naging tahagahanga na ako ng mamang ito. Nagsimula akong bumili ng kanyang cassette tape. Pagsamba at Pakikibaka, Ugat, Harana, at marami pang iba na nabibili ko sa Popular Bookstore noong na sa Doreteo Jose pa sila. Pero sa pagdaan ng panahon, nawala at/o ninakaw ang koleksyon ko ng tapes ni Gary G.

    Enter high technology. Nauso ang CD. Bumilii rin ako. Dalawang original cd nya ang mayroon ako. Saranggola Sa Ulan at Samu’t-Saring Gary Granada. Pero dahil sa kanyang website ay libreng madownload ang kanyang mga kanta, ayun, laman ng cellphone ko ang kanyang mga kanta, pati na yung mga “rare” na piyesa.

     Kung bakit ko gusto ang mga kanta ni Goryo, ay simple lang. Swak ang karamihan sa kanyang kanta sa aking personal na buhay at pananaw. Mula sa punto de vista ng isang aktibista (Bahay, Walang Laman) hanggang sa damdamin ng isang Ginebra fan (Pag Natatalo ang Ginebra).

    Ang mga love song na kanyang katha ay sakto din naman. Mula sa panliligaw (Nakikita Mo, Balitaan Mo Ako), pagiging ama (Habilin) at hanggang sa paghihiwalay (Paalam). Matalino ang mga liriko, creative ang mga melodiya, kaya pasok sa panlasa.

    Komiko, palaban, malapit sa katotohanan. Yan ang mga kanta ni Gary Granada.

     Bilang isang tagahanga at litratista, pangarap kong makunan sya ng litrato at muling mapanood, mapakinggan nang live sa isang gig.

     At sana ngayon pa lang ay may magnominate din sa kanya bilang National Artist.

 
  1. paradaw reblogged this from peptalkmanila
  2. peptalkmanila posted this